ni Irish Arianne Romero
Kamakailan lang nitong unang linggo ng Setyembre ay may pinirmahan si Pangulong Benigno Aquino III na batas, ang Republic Act No. 10175 na nagbigay hudyat sa tinaguriang “e-Martial Law” na naglalayong mas higpitan ang kasong libelo online o sa internet. Ang naturang batas ay inalmahan ng maraming mamamayan.
Ngayon, punung-puno ng mga itim ang mga dating litrato ng mga indibidwal na tumututol ngayon sa ilang kondisyon ng Cybercrime Crime Law na ipinasa kamakailan lang ng administrasyong Aquino.
Para sa mga napakaraming tao, ang pagdagdag ng libelo sa nasabing batas ay ang pagpatay sa kalayaan ng malayang pamamahayag ng opinyon at ekspresyon, na mula sa impusa ay inaalagaan na ng ating Konstitusyon.
Sa unang tanaw, mauunawaan na kaagad ang pagtutol at pag-aalala ng bawat mamamayan na tumututol dito dahil masisikil nito ang nasabing kalayaan na hindi sang-ayon sa isang demokratikong bansang tulad ng sa atin.
Gayunpaman, ano nga ba halaga ng ating kalayaan kung walang batas na ang magsasabi kung ano ang tiyak na sakop nito?
Maganda ang naturang batas ngunit may malaki itong butas pagdating sa isyu ng libelo dahil walang tiyak na mga sistema kung ano ba, paano ba, at kung hanggang saan ang sakop nito kaya gumagawa itong ng napakatinding kalituhan at takot sa masa.
Kung ating iisipin, hindi nito aalisin ang ating karapatang malayang makapagpahayag ng ating saloobin. Magagawa pa iyon. Iyon nga lamang may magiging pananagutan tayo sa batas.
Responsibilidad ang pinag-uusapan sa paksang ito. Bilang mga nilalang na may kakayahang matukoy kung ano ang tama at mali, alam nating may epekto ang bawat salita na ating sinasabi na nagpapakita kung sino tayo.
Nakikisama tayo sa kahilingan na ayusin ang kakulngan sa batas dahil napakalaki ng oportunidad sa pang-aabuso ng isang maliwanag na paraan ng panggigipit. Gayunpaman, di ba’t may pakinabang din tayo sa batas na ito kung sakaling mangailangan tayo ng proteksyon laban sa umaabauso ng ating kalayaan?
No comments:
Post a Comment